May bagong meaning na ang ROTC na sa alam ko ay ang Reserve Officers’ Training Corps.
Sa PBA, “Rest of the Conference.”
Si deputy commissioner Eric Castro ang nagpaliwanag nito matapos niyang i-announce ang suspension ng referee na si Rey Yante para sa kabuuan ng PBA Governors’ Cup.
“Rest of the conference,” ang hatol ng PBA matapos makalusot kay ref ang goaltending violation ni Jhonard Clarito ng Rain or Shine kay Zav Lucero ng Magnolia sa overtime ng Game 3 ng kanilang best-of-five quarterfinals.
Lamang ang RoS, 106-104, bago ang controversial play. At matapos ang review, doon nag-decide ang mga referees na goaltending nga.
Nakatabla ang Magnolia with 18 seconds pero itinuloy ang free throws ni Gian Mamuyac ng RoS dahil sa isang quick Magnolia foul.
Halos pumutok ang butsi ni Magnolia coach Chito Victolero. Ang angal niya, dapat nullified din ang foul kay Mamuyac dahil naganap ito matapos ma-miss ng referees and goaltending.
Pero dehins nakinig ang mga officials. Tuloy ang free throws at pinasok ni Mamuyac ang isa para. Na-followup ni Aaron Fuller ang mintis para sa reverse three-point play. Crucial points na eventually nagbigay ng 111-106 victory para sa RoS at 2-1 lead sa maikling serye.
After the game, galit si coach Chito.
Ang diga naman ni coach Yeng Guiao, dapat nabigyan ang kanyang kabaro ng technical foul.
“Kung ako ang gumawa noon, siguradong technical ako,” sabi ni coach Yeng.
Sabi naman ni Castro, dead ball situation na at dehins daw nagmura si Victolero kaya walang technical.
Parang nahiya na lang sila dahil naagrabyado na nga sa tawag eh, tutusukin mo pa ng technical.
Basta, ROTC si ref.