MANILA, Philippines — Dumikit ang TNT Tropang Giga sa pagsikwat sa semifinals ticket matapos resbakan ang NLEX, 109-91, sa Game Three ng PBA Season 49 Governors’ Cup quarterfinals series kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Bumangon ang Tropang Giga mula sa 90-93 kabiguan sa Game Two para agawin ang 2-1 lead sa kanilang best-of-five showdown ng Road Warriors.
Kumamada si import Rondae Hollis-Jefferson ng 27 points at may 18 at tig-17 markers sina Calvin Oftana, Glenn Khobuntin at Rey Nambatac, ayon sa pagkakasunod.
“Any team in this league to win by a big margin has to be a combination of good defense with good offense. Finally, tonight we were able to get both together,” ani TNT coach Chot Reyes.
Nalimitahan si NLEX import DeQuan Jones sa 16 points, habang may 12 markers lamang si Robert Bolick.
Ang drive ni Jayson Castro ang nagbigay sa Tropang Giga ng 32-21 abante sa pagtatapos ng first period bago kunin ang 15-point lead, 49-34, sa 4:48 minuto aa second quarter.
Mula sa 49-40 bentahe ay isang 12-o atake ang ginawa ng tropa ni Reyes para ibaon ang Road Warriors sa 61-40 sa huling 1:18 minuto ng third period.
Inilista ng TNT ang 103-78 kalamangan sa huling 5:54 minuto ng final canto mula sa basket ni Nambatac na hindi na naputol ng NLEX.
Samantala, pipilitin ng Barangay Ginebra at San Miguel na walisin ang kanilang mga quarterfinals duel para itakda ang sariling best-of-seven semis series.
Parehong hawak ang 2-0 bentahe, lalabanan ng Gin Kings ang Meralco Bolts ngayong alas-5 ng hapon kasunod ang salpukan ng Beermen at Converge FiberXers sa alas-7:30 ng gabi sa Game Three sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.