Semis amoy na ng SMB

Kinalabaw ni SMB import EJ Anosike sina import Jalen Jones at Jeo Ambohot ng Converge.

MANILA, Philippines — Isang panalo na lang ang kailangan ng mga Beermen papasok sa best-of-seven semifinals series ng PBA Season 49 Go­vernors’ Cup.

Nagpaputok si import EJ Anosike ng 41 points bukod sa 9 rebounds at 5 assists sa 107-100 paggiba ng San Miguel sa Converge sa Game Two ng kanilang quarterfinals duel kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Kinuha ng Beermen ang 102-95 panalo sa FiberXers sa Game One para itayo ang 2-0 bentahe palapit sa pagtagay sa semis berth.

“I think it was a good effort by the whole team. I think when everyone plays well the energy is contagious,” ani Anosike. “For me it’s my second game here and I’m happy with these great guys.”

Nagdagdag si eight-time PBA MVP June Mar Fajardo ng 15 markers at may 11 at 10 points sina Kris Rosales at CJ Perez, ayon sa pagkakasunod.

Inilista ng Converge ang 44-36 abante sa se­cond period sa pamumuno ni import Jalen Jones na tumapos na may 36 points.

Bumangon ang San Miguel sa third quarter at inagaw ang 76-67 bentahe sa huling 1:12 minuto galing sa dalawang free throws ni Anosike.

Inilista ng Beermen ang 12-point lead, 95-83, sa 6:52 minuto ng final canto, habang muling nakadikit ang FiberXers sa 96-97 sa likod ng triple at tatlong free throws ni Bryan Santos sa 3:03 minuto nito.

Nagtuwang sina Ano­sike, Fajardo at Perez para ilayo ang SMB sa 105-98 sa huling 1:18 minuto ng laro.

Samantala, pag-aagawan ng apat na koponan ang krusyal na 2-1 lead sa kani-kanilang quarterfinal wars sa Ynares Center, Antipolo sa Antipolo City.

Nagtabla sa 1-1, lalabanan ng TNT Tropang Giga ang NLEX sa Game Three ngayong alas-5 ng hapon kasunod ang salpukan ng Magnolia at Rain or Shine sa alas-7:30 ng gabi.

Show comments