MANILA, Philippines — Hindi pumayag ang Magnola na mahulog sa isang 0-2 butas sa serye.
Binalikan ng Hotshots ang Rain or Shine Elasto Painters, 121-69, sa Game Two ng PBA Season 49 Governors’ Cup quarterfinals series kahapon sa Sta. Rosa Multi-Purpose Complex sa Laguna.
Bumaril si import Jabari Bird ng 22 points at humakot si Calvin Abueva ng 18 markers at 10 rebounds.
Nagdagdag si Ian Sangalang ng 12 points.
Bumangon ang Magnolia mula sa 105-109 kabiguan sa Game One para itabla sa 1-1 ang kanilang best-of-five showdown ng Rain or Shine.
Ang 52-point loss sa Hotshots ang pinakamasaklap sa franchise history ng Elasto Painters matapos ang 43-point defeat, 71-114, sa Barangay Ginebra noong Mayo 24, 2009 sa Fiesta Conference.
Matapos isara ang first period ay umarangkada ang Magnolia sa second quarter sa pamumuno nina Sangalang at Mark Barroca.
Ang free throw ni Rafi Reavis ang naghulog sa Rain or Shine sa 56-28 sa huling apat na minuto nito.
Tinapos ng Hotshots ang first half tangay ang 66-28 kalamangan bago muling ibinaon ang Elasto Painters sa 73-32 galing sa jumper ni Bird sa pagbubukas ng third canto.
Mula rito ay hindi na nakaresbak ang Elasto Painters, ang No. 1 team sa Group B.
Samantala, kapwa lalapit sa pag-sweep sa kanilang mga quarterfinals duel ang Barangay Ginebra at San Miguel.
Sasagupain ng Gin Kings ang Meralco Bolts sa Game Two ngayong alas-7:30 ng gabi matapos ang bakbakan ng Beermen at Converge FiberXers sa alas-5 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.
Umiskor ang Ginebra ng 99-92 panalo sa Meralco, habang tinalo ng San Miguel ang Converge, 102-95, sa Game One noong Huwebes.
“They’ve always been at the top of their game and always given us an A-plus game,” ani Ginebra import Justin Brownlee sa Meralco.
“So, it’s always been tough but it’s been fun against that group of guys over there that’s very competitive,” dagdag nito.