Letran tinuhog ang ika-2 dikit na panalo

MANILA, Philippines — Tinusok ng Letran College ang ikalawang dikit na panalo matapos umeskapo sa Emilio Aguinaldo College, 75-73, sa NCAA Season 100 men’s basketball tournament kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.

Kumolekta si Kevin San­tos ng 17 points, 5 rebounds at 6 blocks para tulungan ang Knights na iposte ang 4-2 record at ibagsak ang Generals sa 2-4 marka.

Nagdagdag si Deo Cuajao ng 14 markers habang kumolekta si Jimboy Estrada ng 11 points, 8 rebounds at 6 assists.

“This game, sinabi ko kailangan matapatan natin ‘yung toughness ng EAC. Kahit anong mangyari, kailangan ma-overcome namin,” ani coach Allen Ricardo.

Kaagad itinala ng Letran ang 14-point lead, 47-33, sa halftime bago ito pinalobo sa 50-33 sa third quarter.

Nakadikit ang EAC sa 67-68 agwat sa huling 3:51 minuto ng fourth period mula sa tirada ni Wilmar Oftana.

Nagtuwang naman sina Estrada at Santos para selyuhan ang panalo ng Knights.

Samantala, diniskaril ng Jose Rizal University ang target na ikalawang sunod na ratsada ng Arellano University matapos itakas ang 92-89 panalo.

Tumipa si rookie MJ Raymundo ng 21 points, 7 rebounds, 2 assists at 1 steal para banderahan ang Heavy Bombers sa 2-4 kartada.

Nahulog ang Chiefs sa 1-5 marka.

Nag-ambag sina Shawn Argente at Joshua Guiab ng 20 at 18 markers, ayon sa pagkakasunod.

Show comments