MANILA, Philippines — Isang unification championship fight ang sunod na ilalatag ng kampo ni Filipino world minimumweight champion Melvin Jerusalem.
Ito ay matapos talunin ni Jerusalem si Mexican mandatory challenger Luis Angel Castillo via unanimous decision kamakalawa ng gabi sa Mandaluyong City College Gymnasium.
Napanatiling suot ng 30-anyos na si Jerusalem (23-3-0, 12 KOs) ang kanyang World Boxing Council (WBC) minimumweight belt.
Ito naman ang unang kabiguan ng 27-anyos na si Castillo (21-1-1, 13 KOs).
Isa si Puerto Rican Oscar Collazo sa mga puwedeng hamunin ni Jerusalem para sa isang unification championship fight sa susunod na taon.
Hawak ng 27-anyos na si Collazo (10-0-0, 7 KOs) ang World Boxing Organization (WBO) title.
Nasa listahan din ni Jerusalem ang kababayang si Pedro Taduran (17-4-1, 13 KOs) na suot ang International Boxing Federation (IBF) crown at si Knockout CP Freshmart (25-0-0, 9 KOs) ng Thailand na may-ari ng World Boxing Association (WBA) belt.
Sa laban kay Castillo ay ipinakita ni Jerusalem ang kanyang punching power nang pabagsakin ang Mexican challenger sa unang 25 segundo ng first round.
“Hindi ko minadali ‘yung laban. Matibay eh. Hindi puwedeng magkumpiyansa,” sabi ni Jerusalem sa taglay na tibay ng panga ni Castillo.