MANILA, Philippines — Dinomina ng magkasintahang Eduard Flores at Mea Gey Ninura ang 21-kilometer race sa Vermosa Leg ng 2024 National MILO Marathon kahapon sa Imus, Cavite.
Nagsumite ang 26-anyos na si Flores ng tiyempong 1:14:59 para pagharian ang men’s 21k division kasunod sina Dhem Monton (1:21:24) at Alberto Evans (1:22:19).
“Expected kong ako ang mananalo kasi kilala ko na iyong mga tatakbo eh,” wika ng tubong General Santos City na may personal best na 1:12:00.
Tumipa naman ang 25-anyos na si Ninura ng bilis na 1:32:32 para pagreynahan ang women’s 21K class para ungusan sina Loreley Magalona (1:43:58) at Yen Babta (1:46:25).
“Hindi ko expected na ako ang mananalo kasi ang daming mga veterans at elite runners na sumali,” sabi ng pambato ng Davao City na kasalukuyang miyembro ng University of the Philippines track and field team.
Awtomatikong tatakbo sina Flores at Ninura sa MILO National Finals na nakatakda sa Disyembre 1 sa Cagayan de Oro City.
Ibinulsa ng mag-jowa ang tig-P10,000 at maaaring lumaban para sa tiket sa 2025 Sydney Marathon.