Record ng Blazers dinungisan ng Knights

Ang pamatay na umper ni Kevin Santos ng Letran laban sa depensa ng Blazers.
NCAA

MANILA, Philippines —  Nagwakas na ang pa­ma­mayagpag ng mga Blazers.

Ipinalasap ng Letran College ang kauna-una­hang kabiguan ng College of St. Benilde matapos ang come-from-behind 71-69 win sa NCAA Season 100 men’s basketball tournament kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.

Bumangon ang Knights mula sa 14-point deficit sa third period para iposte ang 3-2 record at dinu­ngisan ang dating malinis na baraha ng Blazers sa 4-1.

“For me I always tell the boys to focus on the defense. Just keep the game close pagdating sa dulo we have a chance to win,” ani coach Allen Ricardo.

Ang three-point shot ni Anton Eusenio at dalawang free throws ni Josh Cajucom ang naglatag sa 60-46 bentahe ng St. Benilde sa pagsisimula ng fourth period.

Sa likod ng tatlong dikit na triples at tatlong charities ni Deo Cuajao ay nakadikit ang Letran sa 63-65 sa 3:37 minuto ng bakbakan.

Huling napasakamay ng Blazers ang unahan sa 69-67 galing sa free throw ni Justine Sanchez sa 1:24 minuto kasunod ang basket ni Joseph Nunag na nagtabla sa Knights sa 69-69 sa 1:02 minuto.

Samantala, sumampa ang Arellano University sa win column matapos gibain ang San Sebastian College-Recoletos, 87-73.

Show comments