Knockout asam ni Jerusalem

Sina Mexican challenger Luis Angel Castillo (kaliwa) at Pinoy world champion Melvin Jerusalem (ka­nan) sa official weigh-in.
Wendell Alinea

MANILA, Philippines — Natupad na ang pa­nga­rap ni Filipino world bo­xing champion Melvin Je­rusalem na lumaban sa harap ng kanyang mga ka­­babayan.

Ang kulang na lamang ay ang kanyang panalo.

Idedepensa ni Jerusa­lem ang suot niyang World Boxing Council (WBC) mi­nimumweight crown laban kay Mexican mandatory challenger Luis Angel Castillo sa Manny Pacquiao Presents: Blow by Blow nga­yong gabi sa Mandalu­yong City College.

Nangako ang 30-an­yos na si Jerusalem (22-3-0, 12 KOs) na bibigyan ni­ya ng magandang laban ang 27-anyos na si Castillo (21-0-1, 13 KOs).

“Knockout talaga ang gusto ko kapag nakakita ako ng pagkakataon,” wika ng tubong Manolo Fortich, Bukidnon.

Napasakamay niya ang WBC belt matapos ta­lunin si Japanese Yudai Shigeoka sa Nagoya no­ong Marso 31.

Nauna nang nagkampeon si Jerusalem sa World Boxing Organization (WBO) minimumweight class matapos daigin si Ja­panese fighter, Masataka Taniguchi noong Enero ng 2023.

Ngunit matapos ang apat na buwan ay naisuko ito ni Jerusalem kay Oscar Collazo ng Puerto Rico via seventh round TKO.

“Napakasakit talaga ng nangyari doon, kaya ayoko nang maulit iyon ngayon,” ani Jerusalem.

Samantala, determina­do si Castillo na agawin kay Jerusalem ang titulo pa­ra maiuwi sa Mexico.

“I know this is going to be a tough fight, but I know we will emerge victorious,” sabi ni Castillo.

Show comments