MANILA, Philippines — Naitarak ni dating Olympian Charly Suarez ang impresibong third round knockout win kay American Jorge Castaneda upang masungkit ang World Boxing Organization (WBO) International junior lightweight title kahapon sa Desert Diamond Arena sa Glendale, Arizona.
Pinakawalan ni Suarez ang left hook dahilan upang magulantang si Castaneda sa huling 58 segundo ng third round.
Nakatakas ang Amerikano na nagawa pang makabangon.
Subalit isa pang solidong kumbinasyon ang inilatag ni Suarez para muling patumbahin si Castaneda may 38 segundo pa.
Nanatiling malinis ang rekord ni Suarez na mayroong 18-0 panalo tampok ang 10 knockouts.
Bumagsak si Castaneda sa 17-4 marka kabilang ang 13 knockouts.
Orihinal sanang makakasagupa ni Suarez ang kapwa unbeaten na si Andres Cortes sa isang WBO eliminator fight.
Subalit nagpasya ang kampo ni Cortes na umatras sa laban matapos magtamo ng injury ilang linggo bago ang bakbakan.
Sunod na tatargetin ni Suarez si WBO junior featherweight champion Emmanuel Navarrete.