Ateneo tatapusin ang kamalasan
MANILA, Philippines — Tatatangkain ng Ateneo De Manila University na ilipad ang unang panalo kontra sa matayog ding umereng Adamson University sa UAAP Season 87 men’s basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum.
Bokya sa panalo sa tatlong salang ang Ateneo kaya naman nasa ilalim sila ng team standings kasama ang Far Eastern University.
Magtutukaan ang Blue Eagles at Soaring Falcons ngayong alas-6:30 ng gabi pagkatapos ng labanan sa pagitan ng National University Bulldogs at University of Santo Tomas Growling Tigers sa alas-4:30 ng hapon.
Muling aasahan ng Blue Eagles sina Shawn Tuano, Rookie Jared Bahay at Nigerian big man Victor Balogun para madagit ang inaasam na unang panalo sa season.
Puro tambak ang naging pagkatalo ng Ateneo sa tatlong laro, kasama na rito ang 61-74 pagluhod kontra defending champions De La Salle University noong Setyembre 15.
Tumikada si Tuano ng 18 points at 6 rebounds sa kanilang talo sa DLSU, habang walong puntos, anim na assists at tatlong steals ang kinana ni Bahay.
Samantala, isa ito sa pinakamasagwang umpisa ng Ateneo na nalasap kaagad ang tatlong talo sa ilalim ni coach Tab Baldwin.
Noong 2013 Season 76 ay nangyari na ito sa panahon ni Bo Perasol bilang unang taong coach ng Ateneo.
Nagmula naman ang Adamson sa malaking panalo kontra sa UST.
“Every game is different, something that we realized. Iyon ang preaching namin sa kanila, the defense that will be facing will be different. Huwag maging masaya sa resulta,” sabi ni Soaring Falcons’ coach Nash Racela sa pagsagupa nila sa Blue Eagles.
- Latest