Jerusalem kumpiyansa sa title defense
MANILA, Philippines — Sa 17 pagkakataon na naglaban ang mga Filipino at Mexican fighters para sa isang world boxing championship ay 14 pinoy ang nagwagi.
At gusto ni world titlist Melvin Jerusalem na maging pang-15.
“Talagang matagal kong hinintay ito na makalaban ng championship sa harap ng mga kababayan natin,” sabi kahapon ni Jerusalem sa pagdedepensa niya ng suot na World Boxing Council (WBC) minimumweight crown kontra kay Mexican mandatory challenger Luis Angel Castillo.
Magtutuos sina Jerusalem at Castillo sa Manny Pacquiao presents ‘Blow By Blow’ event sa Linggo sa Mandaluyong City College Gym.
Para mapapayag si Castillo (21-0-1, 13 KOs) na labanan si Jerusalem (22-3-0, 12 KOs) sa Pinas ay tinaasan ni Pacquiao ang prize money ng Mexican slugger.
“Sobrang laking impact para sa akin na lumaban sa Pilipinas. Pangarap ko talaga na magdepensa ng world championship dito sa Pilipinas,” ani Jerusalem. “Gagawin ko ‘yung best at ipapakita ko ang pride ng Pilipino.”
Ito ang unang pagtatanggol ng 30-anyos na tubong Manolo Fortich, Bukidnon sa kanyang hawak na WBC minimumweight belt na napanalunan niya matapos talunin si Japanese Yudai Shigeoka sa Nagoya noong Marso 31.
Ang 30-anyos na si Jerusalem ang isa sa dalawang natitirang Filipino reigning world champions bukod kay Pedro Taduran na may suot ng International Boxing Federation (IBF) minimumweight title.
Wala namang ibang gustong mangyari si Castillo kundi ang agawin kay Jerusalem ang korona nito at iuwi sa Mexico.
“I’m fine in the Philippines. I will surely bring back this belt to Mexico,” sabi ng 27-anyos na Mexican boxer sa pamamagitan ng isang translator.
Idinagdag ni Castillo na inaasahan niyang mapapabagsak si Jerusalem sa anumang round.
- Latest