MANILA, Philippines — Pinangarap ni world boxing champion Melvin Jerusalem na lumaban sa harap ng kanyang mga kababayan.
At ngayong natupad na ito ay hindi sasayangin ng World Boxing Council (WBC) minimumweight king ang pagkakataon.
“Kasi pangarap kong maka-depensa dito sa Pilipinas, kaya hindi ko na sasayangin ang pagkakataon,” sabi ni Jerusalem sa panayam ng Philstar.com matapos ang kanyang media workout kahapon sa Elite Gym sa Bonifacio Global City sa Taguig.
Nakatakdang ipagtanggol ni Jerusalem, nagdadala ng 22-3-0 win-loss-draw ring record tampok ang 12 knockouts, ang kanyang korona kontra kay Mexican mandatory challenger Luis Angel Castillo (21-0-1, 13 KOs) sa Linggo sa Mandaluyong City College Gym.
Ang 30-anyos na si Jerusalem ang isa sa dalawang natitirang Filipino reigning world champions bukod kay Pedro Taduran na may suot ng International Boxing Federation (IBF) minimumweight belt.
Kasama sina trainer Michael Domingo at top promoter JC Mananquil ng Sanman Boxing, sumalang si Jerusalem sa skipping rope, shadow boxing, mitts at heavy, speed at double-end bags.
Napasakamay ng tubong Manolo Fortich, Bukidnon ang WBC minimumweight belt matapos ang via split decision laban kay Japanese Yudai Shigeoka sa Nagoya noong Marso 31.
Kumpiyansa si Jerusalem na maipapalasap niya sa 27-anyos na si Castillo ang kauna-unahan nitong kabiguan.
“Laruin lang natin, Sir. Ibigay natin ang best natin,” wika ng Pinoy champion.
Naniniwala rin siyang makukuha ang minimumweight limit na 105 pounds sa nakatakda nilang official weigh-in ni Castillo sa Sabado.