E-Painters lusot sa overtime

Nagsabong sa ere sina Rain or Shine rookie Felix Lemetti at Javee Mocon ng NLEX.
PBA Image

MANILA, Philippines — Nalampasan ng Rain or Shine ang pinasabog na 49 points ni bagong NLEX import DeQuan Jones para pormal na angkinin ang quarterfinals berth sa PBA Season 49 Governors’ Cup.

Umiskor ang Elasto Painters ng 13 points sa overtime period para talunin ang Road Warriors, 123-114, kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.

Humakot si import A­aron Fuller ng 23 points at 25 rebounds para sa 6-2 record ng Rain or Shine at inihulog ang NLEX sa 3-5 kasama ang apat na sunod na kamalasan sa Group B.

Umiskor si guard Anton Asistio ng 25 markers, ang 14 dito ay itinala niya sa first period.

“Good test for us, this is a good experience. We have to learn how to win close games,” ani coach Yeng Guiao. “Hindi ko alam how we survived iyong import nila, played a monster game with 49 points. Medyo napagod lang sa huli.”

Nagposte ang Elasto Painters ng 12-point lead, 105-93, sa 5:18 minuto ng fourth period.

Nagtuwang naman sina Jones, pumalit kay Myke Henry, at Robert Bolick para sa pag-agaw ng Road Warriors sa 110-108 abante sa huling 1:36 minuto.

Itinabla ni Jhonard Clarito ang Rain or Shine sa 110-110 patungo sa extension kung saan iniwan ng Rain or Shine ang NLEX sa 123-114 sa natitirang 39.4 segundo mula sa tatlong free throws ni Asistio.

Nag-ambag si Clarito ng 15 points para sa Elasto Painters.

Tumapos si Bolick na may 28 points, 11 rebounds at 9 assists sa panig ng Road Warriors.

Samantala, babangon ang Barangay Ginebra (5-2) mula sa kabiguan sa pagharap sa sibak nang Phoenix (1-7) ngayong alas-7:30 ng gabi.

Sa unang laro sa alas-5 ng hapon ay ipaparada ng Converge (4-4) si import Jalen Jones kapalit ni injured Scotty Hopson (hip flexor injury) kontra sa Meralco (6-2).

Show comments