Fighting Maroons pipingasan ng Bulldogs

MANILA, Philippines — Ibabangga ng National University sina PJ Palacielo at Jake Figueroa upang dungisan ang malinis na karta ng last year’s runner-up University of the Philippines sa bakbakan nila nga­yon sa UAAP Season 87 collegiate men’s basketball tournament na lalaruin sa Araneta Coliseum.

Hawak ang 1-1 karta, pakay din ng Bulldogs na lapain ang pangalawang sunod na panalo upang makisiksik sa three-way tie sa No. 3 sa team standings.

Ngayong alas-6:30 ng gabi ang simula ng aksyon sa pagitan ng Bulldogs at Fighting Maroons habang sa alas-4:30 ng hapon naman ang labanan ng Far Eastern Uni­versity Tamaraws at University of the East Red Warriors.

Bawas ang lakas ng NU dahil wala ang kanilang Malian bigman na si Mo Diassana, nagkaroon ito ng season-ending knee injury kaya naman pinapaalalahanan ni head coach Jeff Napa ang kanyang mga bataan na magtrabaho sa opensa at depensa.

“We started flat and hopefully coming into the next game, kasi mabigat ang kalaban namin against UP, hindi kami puwedeng flat ng ganito,” ani Napa.

Malaki naman ang respeto ng UP sa kakayahan ng NU kaya ibibigay din nila ang buong lakas para masungkit ang 3-3 karta at samahan sa top spot ang defending champions De La Salle University Green Archers.

Show comments