MANILA, Philippines — Muling tatangkain ng Rain or Shine na opisyal na makapasok sa eight-team quarterfinals cast, habang magpapalakas ng tsansa ang Magnolia at NLEX sa PBA Season 49 Governors’ Cup.
Lalabanan ng Elasto Painters ang Road Warriors ngayong alas-5 ng hapon kasunod ang upakan ng Magnolia Hotshots at TNT Tropang Giga sa alas-7:30 ng gabi sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Bumabandera ang TNT sa Group A bitbit ang 6-1 record kasunod ang Meralco (6-2), Magnolia (4-3), Converge (4-4), NorthPort (3-5) at sibak nang Terrafirma (0-8).
Magkasosyo sa liderato sa Group B ang San Miguel (5-2) at Barangay Ginebra (5-2) at Rain or Shine (5-2) sa itaas ng NLEX (3-4), Blackwater (3-5) at talsik nang Phoenix (1-7).
Ang top four team sa bawat grupo ang aabante sa crossover quarterfinals.
Nagmula ang Elasto Painters sa 102-124 kabiguan sa Gin Kings.
“Hindi namin nakuha ‘yung six wins, sa Tuesday (today) baka makuha namin. We will try to get six wins and assure ourselves of getting to the next round,” ani coach Yeng Guiao.
Laglag naman ang Road Warriors sa tatlong dikit na kamalasan at kailangang maipanalo ang natitirang tatlong laro para makasingit sa quarterfinals.
Sa ikalawang laro, patitibayin ng Hotshots ang pag-asa sa quarterfinals sa pagsagupa sa Tropang Giga na nasa four-game winning streak.
Umiskor ang Magnolia ng 99-98 panalo sa Terrafirma kung saan isinalpak ni balik-import Shabazz Muhammad ang isang running shot sa huling 8.1 segundo.
“One point, two points, three points, 10 points, 20 points, as long as we win the game,” wika ni Hotshots’ coach Chito Victolero.