MANILA, Philippines — Kasama na ngayon ang pangalan ni San Miguel outside sniper Marcio Lassiter sa kasaysayan ng Philippine Basketball Association (PBA).
Nagsalpak si Lassiter ng apat na three-point shots sa 131-82 paglampaso ng Beermen sa Ginebra Gin Kings noong Linggo sa PBA Season 49 Governors’ Cup para maging bagong all-time leading three-point scorer.
Nagtala ang 37-anyos na Fil-Am shooter ng 1,252 triples para ungusan ang 1,250 triples ni PBA great Jimmy Alapag na inilista nito noong 2016 habang naglalaro para sa Meralco.
Ginawa ito ni ‘Super Marcio’ sa first period pa lamang ng nasabing laro.
“I’m just truly honored and blessed to be in this position, and yeah, words can’t describe how I feel. I’m just overwhelmed with a lot of emotions right now,” wika ng 10-time PBA champion shooting guard.
Sa halftime ay ibinigay ni PBA Commissioner Willie Marcial sa produkto ng Cal State Fullerton ang game ball na ginamit sa laro at sinamahan ng kanyang asawa at limang anak.
“I definitely couldn’t do this without my teammates from the past and right now. They helped me out with so much, especially, I feel like the main two that probably gave me the most assists are June Mar and Chris,” ani Lassiter. “So I gotta thank them.”
Nasa ilalim ngayon ni Lassiter sa all-time leading three-point scoring list sina No. 3 Allan Caidic (1,242), Ginebra guard LA Tenorio (1,218) at two-time MVP James Yap (1,194).