Altas pinigil ng Cardinals

Nagpaputok si reigning MVP Clint Escamis ng career-high 28 points para akayin ang Cardinals sa 2-1 kartada katabla ang Altas at nagdedepensang San Beda Red Lions sa ilalim ng St. Benilde Bla­zers (3-0).
STAR/ File

MANILA, Philippines — Pinigilan ng Mapua University ang hangad ng University of Perpetual Help System DALTA na makasosyo sa liderato matapos agawin ang 71-65 panalo sa NCAA Season 100 men’s basketball kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.

Nagpaputok si reigning MVP Clint Escamis ng career-high 28 points para akayin ang Cardinals sa 2-1 kartada katabla ang Altas at nagdedepensang San Beda Red Lions sa ilalim ng St. Benilde Bla­zers (3-0).

Ito ang ikalawang sunod na ratsada ng tropa ni coach Randy Alcantara matapos ang naunang 69-66 pagtakas sa Emilio Aguinaldo College.

“Kinausap ko siya. Sabi ko kapag mga last five minutes or last two mi­nutes kailangan takeover na tayo kasi tayo iyong mga veterans eh,” ani Escamis kay Cyrus Cuenco na nagsalpak ng three-point shot sa huling 1:59 minuto ng fourth period para sa 64-62 abante ng Mapua.

Sinundan ito ng triple ni Escamis na nag-iwan sa Perpetual ni mentor Olsen Racela sa 67-62 sa huling 1:23 minuto sa laro.

Huling nakadikit ang Altas sa 65-67 galing sa tres ni rookie guard Mark Gojo Cruz sa nalalabing 1:16 minuto.

Sa unang laro, humataw si Ato Barba ng 28 points tampok ang limang tres para sa 97-92 pagdaig ng Lyceum of the Philippines University sa Jose Rizal University.

Lugmok ang Heavy Bombers sa 0-3.

Show comments