UST dapa sa Adamson

UAAP.
STAR/ File

MANILA, Philippines — Nilipad ng Adamson Uni­versity ang pangalawang panalo matapos ka­lusin ang University of Sto. Tomas, 69-56 sa UAAP Season 87 men’s basketball tournament na nilaro sa Mall of Asia Arena sa Pasay City kahapon.

Kinapitan ng Soaring Falcons sa opensa sina transferee AJ Fransman at Mathew Montebon para ibangon agad ang koponan mula sa pagkakadapa sa nakaraang laban at ilista ang 2-1 karta.

Bangungot sa Falcons ang 30-point pagkakalubog nila kontra defending champions De La Salle University Green Archers, 52-82 noong Set­yembre 11.

Swak sa top four, kailangan na lang na alagaan ng Adamson ang kanilang puwesto upang mapalakas ang asam nilang lumaro sa semifinals pagkatapos ng elimination round.

“I’m happy with the effort my players gave today. If you look at the stats, we outrebounded a bigger team in UST, so that just means they gave it great effort today,” ani head coach Nash Racela.

Kumana si Montebon ng 15 puntos, limang boards, apat na assists at dalawang steals habang 11 points at 10 rebounds naman ang inambag ni Fransman.

Bumakas din si Royce Mantua ng 11 markers para sa Adamson U habang tig- anim na points at assists ang nilista ni Matt Erolon.

Tumikada naman si Nic Cabanero ng 16 puntos at limang boards para sa España-based squad na nalasap ang unang talo sa tatlong laro.

Show comments