Chua kampeon sa Shanghai 9-Ball event

MANILA, Philippines —  Muling namayagpag ang bandila ng Pilipinas sa billiards matapos matumbok ni Johann Chua ang korona sa 2024 Zen&Yuan8 Open 9-Ball tournament na ginanap sa Shanghai, China.

Inilabas ni Chua ang bagsik nito upang ilampaso si Wun Kun-Lin ng Chinese-Taipei sa pamamagitan ng matikas na 13-1 demolisyon sa championship round.

Napasakamay ni Chua ang tumataginting na $12,000 premyo o mahigit P650,000.

“Sa mga sumusubaybay ng Marboys, hati-hati tayo dito, eto, nakuha na natin, finally. Sana tuluy-tuloy itong momentum na ito,” ani Chua.

Nagpaabot ng congra-tulatory message si reigning WPA Women World 9-Ball champion Rubilen Amit.

“Grabe ka hindi mo na kami pinakaba ng finals,” ani Amit.

Sariwa pa si Amit sa matagumpay na pagkopo sa prestihiyosong 2024 Massé WPA Women’s World 9-Ball Championship na kauna-unahang korona ng Pilipinas sa naturang event. Nagkamit si Amit ng $50,000 premyo sa World 9-Ball.

Ngunit hindi pa tapos ang laban dahil sasabak sina Chua at Amit sa  2024 China Open 9-Ball tournament na idaraos din sa Shanghai, China.

Show comments