Chua kampeon sa Shanghai 9-Ball event
MANILA, Philippines — Muling namayagpag ang bandila ng Pilipinas sa billiards matapos matumbok ni Johann Chua ang korona sa 2024 Zen&Yuan8 Open 9-Ball tournament na ginanap sa Shanghai, China.
Inilabas ni Chua ang bagsik nito upang ilampaso si Wun Kun-Lin ng Chinese-Taipei sa pamamagitan ng matikas na 13-1 demolisyon sa championship round.
Napasakamay ni Chua ang tumataginting na $12,000 premyo o mahigit P650,000.
“Sa mga sumusubaybay ng Marboys, hati-hati tayo dito, eto, nakuha na natin, finally. Sana tuluy-tuloy itong momentum na ito,” ani Chua.
Nagpaabot ng congra-tulatory message si reigning WPA Women World 9-Ball champion Rubilen Amit.
“Grabe ka hindi mo na kami pinakaba ng finals,” ani Amit.
Sariwa pa si Amit sa matagumpay na pagkopo sa prestihiyosong 2024 Massé WPA Women’s World 9-Ball Championship na kauna-unahang korona ng Pilipinas sa naturang event. Nagkamit si Amit ng $50,000 premyo sa World 9-Ball.
Ngunit hindi pa tapos ang laban dahil sasabak sina Chua at Amit sa 2024 China Open 9-Ball tournament na idaraos din sa Shanghai, China.
- Latest