MANILA, Philippines — Sa ikalawang sunod na pagkakataon ay muling nagreyna ang Creamline sa Premier Volleyball League.
At muli itong ginawa ng Cool Smashers bagama’t hindi naglaro sina key players Alyssa Valdez at Tots Carlos dahil sa injury.
“Siyempre, buong-buo pa rin iyong kumpiyansa namin,” ani setter Kyle Negrito matapos talunin ng Creamline ang Cignal HD, 21-25, 25-17, 20-25, 26-24, 15-13, sa one-game finals para pagreynahan ang 2024 PVL Invitational Conference noong Huwebes.
“Katulad nga ng palagi kong sinasabi, ang advantage namin this conference kahit na may mga nawala, kami Creamline matagal na kaming magkakasama. So walang problema kahit sinong nasa loob. Alam ng bawat isa sa amin ‘yung role nila and gagawin namin iyong role namin,” dagdag nito.
Idinagdag ng Cool Smashers ang Invitational Conference title para kumpletuhin ang kauna-unahang Grand Slam sa PVL.
Nauna nang tinalo ng Creamline ang Choco Mucho sa 2024 All-Filipino Conference at ang Akari sa Reinforced Conference kung saan hindi naglaro sina Valdez, Carlos at Alas Pilipinas member Jema Galanza.
“Lagi naman sinasabi ni coach (Sherwin Meneses) the games wont not be easy, lalo na lahat ng kalaban namin gusto matalo ang Creamline,” ani Michele Gumabao na hinirang na Most Valuable Player sa unang pagkakataon.
Kinilala si Negrito bilang Best Setter, habang sina Cool Smashers import Erica Staunton at Venezuelan reinforcement MJ Perez ng HD Spikers ang hinirang na Best Outside Spikers.
Iginawad kay Saya Taniguchi ng Kurashiki ang Best Opposite Spiker trophy at kinilala si Kalyarat Khamwong ng EST Cola bilang Best Setter.