MANILA, Philippines — Lumapit ang San Miguel sa pagdakma sa quarterfinal ticket matapos gibain ang Phoenix, 139-127, sa PBA Season 49 Governors’ Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Ang ikatlong sunod na arangkada ng Beermen ang nagtaas sa kanilang baraha sa 5-2 at inilugmok ang Fuel Masters sa 0-7 sa Group B.
Humugot si import Jordan Adams ng 21 sa kanyang 49 points sa third period kung saan tinambakan ng SMB ang Phoenix sa 103-88 mula sa 67-55 halftime lead.
At mula rito ay lalo pang pinalobo ng Beermen ang kanilang kalamangan sa 108-88 sa pagbubukas ng fourth quarter mula sa basket ni Mo Tautuaa at triple ni Don Trollano.
Nauna nang pinalitan ni Sheldon Mac si Adams sa 114-119 panalo ng SMB sa NLEX bago muling pinaglaro si Adams.
“Sheldon Mac played well against NLEX, but we decided again to bring Jordan back. It was great,” wika ni coach Jorge Gallent. “But what’s nice about Jordan he was professional enough to stay with us and to play with us again.”
Nagdagdag si CJ Perez ng 23 markers para sa Beermen at may 22 at 16 points sina eight-time MVP June Mar Fajardo at Marcio Lassiter, ayon sa pagkakasunod.
Binanderahan ni import Brandone Francis ang Fuel Masters sa kanyang 48 points kasunod ang 18 markers ni Jason Perkins.
Samantala, muling susubukan ng Meralco (5-2) na makuha ang quarterfinal berth sa pagharap sa NorthPort (3-4) ngayong alas-5 ng hapon kasunod ang upakan ng Converge (3-4) at kulelat na Terrafirma (0-7) sa alas-7:30 ng gabi sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Nakalasap ang Bolts ng 99-108 kabiguan sa TNT Tropang Giga, habang bagsak ang Batang Pier sa FiberXers, 99-107, sa kanilang mga huling laban.