Grand slam sa Cool Smashers
MANILA, Philippines — Kinumpleto ng Creamline ang pagkopo sa Grand Slam matapos idagdag ang korona ng 2024 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference.
Giniba ng Cool Smashers ang Cignal HD Spikers, 21-25, 25-17, 20-25, 26-24, 15-13, sa kanilang one-game finals showdown kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Humataw si American import Erica Staunton ng 29 points mula sa 26 attacks, dalawang aces at isang block, habang may 27 markers si Bernadeth Pons.
Nauna nang nagreyna ang Creamline sa nakaraang 2024 All-Filipino Conference kontra sa Choco Mucho at Reinforced Conference laban sa Akari para sa kanilang ‘three-peat’.
Ang championship point ng Cool Smashers ay nagmula kay Alas Pilipinas member Jema Galanza.
Kinuha ng HD Spikers ang 2-1 bentahe sa likod ni Venezuelan import MJ Perez bago nakatabla sa 2-2 ang 10-time PVL champions sa fourth set.
Sa fifth set ay inilista ng Creamline ang 14-11 abante bago idinikit ni Perez ang Cignal sa 13-14.
Sa inisyal na laro, sa ikalawang pagkakataon ay muling tinalo ng dating reynang Kurashiki ang EST Cola para angkinin ang bronze medal.
Pumalo si Low Mei Cing ng 14 points mula sa walong attacks at anim na blocks para pamunuan ang Ablaze sa 25-22, 26-24, 25-20 paggupo sa EST Cola.
Nag-ambag si Tanabe Saki, miyembro ng 2023 PVL champion team, ng 13 points at naglista si setter Kyoka Oshima ng 19 excellent sets.
Nauna nang nabigo ang Kurashiki sa Cignal sa agawan sa finals ticket noong Miyerkules.
“Our goal was to win the gold, but after the loss to Cignal, we reset our mindset and focused on finishing strong against EST Cola,” ani Tanabe. “We’re happy to have won the bronze.”
- Latest