MANILA, Philippines — Masama ang laro ni import Rondae Hollis-Jefferson, kaya sina Calvin Oftana, Jayson Castro at Kelly Williams ang inasahan ni coach Chot Reyes sa final canto.
Pinabagsak ng TNT Tropang Giga ang Meralco, 108-99, para angkinin ang unang quarterfinal berth sa Group A ng PBA Season 49 Governors’ Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Bumanat si Oftana ng 25 points tampok ang anim na three-point shots para sa ikaapat na dikit na ratsada ng Tropang Giga at itayo ang 6-1 record.
“Any points that Kelly scores for us is really a bonus on top of what he gives us defensively and off the boards. We really need him especially coming down the stretch,” ani coach Chot Reyes sa 42-anyos na si Williams na nag-ambag ng siyam na puntos.
Umiskor si Hollis-Jefferson ng 22 markers at may 16, 12 at 11 points sina Kim Aurin, Castro at Poy Erram, ayon sa pagkakasunod.
Nagtapos ang four-game winning streak ng Bolts para sa 5-2 baraha.
Tinalo ng TNT ang Meralco, 93-73, sa first round.
Ang triple ni Oftana ang nagbigay sa Tropang Giga ng 27-14 bentahe sa first period patungo sa paglilista ng 86-74 sa pagsisimula ng fourth quarter.
Nakalapit ang Bolts sa 93-96 sa likod ni import Allen Durham sa 4:13 minuto ng laro.
Ang magkasunod na drive ni Williams at ng 38-anyos na si Castro ang muling naglayo sa TNT sa 104-97 sa huling 1:57 minuto kasunod ang dikit na turnovers nina Chis Banchero at Durham para sa Meralco.
Sinelyuhan ni Oftana ang panalo ng Tropang Giga sa kanyang layup sa nalalabing 50.5 segundo.
Pinamunuan ni Durham ang Bolts sa kanyang 26 points.