Quiambao, La Salle binugbog ang Adamson
MANILA, Philippines — Sinimplehan lang ni reigning Most Valuable Player Kevin Quiambao ang kanyang laro hindi nito kinailangan na mamuwersa tulad ng inilaro niya sa huling laban.
Nagtala si Quiambao ng 21 puntos sapat upang tulungan ang defending champions De La Salle University na tambakan ng husto ang Adamson University, 82-52 sa UAAP Season 87 men’s basketball tournament na nilaro sa Araneta Coliseum kagabi.
Nirehistro rin ni Quiambao ang limang rebounds, apat na assists, dalawang steals at isang block para sa Taft-based squad na nanatili sa tuktok ng liderato tangan ang 2-0 record.
Maagang ipinaramdam ng Green Archers ang kanilang lakas sa unang dalawang quarters, pinana nila ang 17 puntos na bentahe, 44-27 sa halftime.
Mula dito, hindi na pinaporma ng Green Archers ang Soaring Falcons sa second half at pinalobo ang kanilang bentahe sa 30 puntos para tuluyang lugmukin ang Adamson.
Bumakas din si rookie Doy Dungo ng 15 markers kasama ang perfect 5-of-5 shooting kaya madaling nakuha ng Green Archers ang panalo sa Soaring Falcons.
Kumana rin si Nigerian Henry Agunanne ng 11 puntos at 16 boards habang may siyam at walong puntos ang iniskor nina JC Macalalag at Vhoris Marasigan, ayon sa pagkakasunod.
Nanatili sa tuktok ng team standings ang La Salle tangan ang 2-0 karta.
Nalasap ng Soaring Falcons ang unang talo sa dalawang laro.
Nanguna sa opensa ng San Marcelino based-squad si Cedrick Manzano na nagposte ng 15 points at walong rebounds.
- Latest