MANILA, Philippines — Inaasahang muling hahataw si Alas Pilipinas member Jema Galanza para sa Creamline sa pagsagupa sa Farm Fresh sa isang no bearing game sa 2024 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference.
Pinayagan na kasi ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) kamakalawa ang mga national team members na muling maglaro para sa kanilang mga PVL mother teams.
“Hopefully, makalaro si Jema kasi siyempre, gustung-gusto na rin maglaro ng bata. At alam ko naman makakatulong siya sa amin,”ani Creamlie coach Sherwin Meneses kay Galanza.
Hindi nakalaro ang two-time PVL MVP awardee sa pagrereyna ng Creamline sa nakaraang Reinforced Conference kontra sa Akari.
Lalabanan ng Cool Smashers ang Farm Fresh Foxies ngayong alas-4 ng hapon kasunod ang agawan ng nagdedepensang Kurashiki Ablaze at Cignal HD Spikers sa ikalawang finals spot sa alas-6 ng gabi sa Philsports Arena sa Pasig City.
Inangkin ng Creamline ang unang finals berth matapos ang 25-18, 29-27, 17-25, 25-20 paglusot sa Cignal noong Lunes para ilista ang 3-0 record.
“Siyempre, masaya kasi nakabalik ulit kami sa finals. So may chance kami na maka-champion ulit,” ani Meneses sa Creamline.
Laglag naman ang Foxies sa 0-3 mula sa 25-22, 17-25, 25-19, 20-25, 15-17 kabiguan sa Thailand guest team na EST Cola kamakalawa.
Bagama’t no bearing na ang laban sa Farm Fresh ay hindi pa rin magkukumpiyansa ang Creamline.
Nakatakda ang ‘winner-take-all’ finals ng PVL Invitational Conference bukas sa Smart Araneta Coliseum.