Green Archers, Falcons unahan sa win No. 2

MANILA, Philippines — Pakay ng defending champions De La Salle University ang ikala­wang sunod na panalo sa pagharap nila sa tigasing Adamson University sa UAAP Season 87 men’s basketball tournament na lalaruin sa Araneta Coliseum ngayong araw.

Muling kakapitan sa opensa ng Taft-based squad si reigning Most Valuable Player (MVP) Kevin Quiambao pagsimula ng bakbakan nila kontra Adamson sa alas-4:30 ng hapon.

Dumaan sa butas ng ka­rayom ang Green Archers bago nakuha ang panalo sa kanilang hu­ling laro laban sa National University Bulldogs, 78-75.

Tulad ng La Salle, nais din ng Adamson na ilista ang 2-0 karta kaya asa­hang magiging mainit ang bakbakan.

Tinalo ng Adamson sa una nilang laro ang Far Eastern University, 59-47 matapos silang akbayan ni Royce Mantua na nagtala ng 14 points, apat na rebounds at dalawang assists.

Samantala, maghaharap sa alas-6:30 ng gabi ang University of Sto. Tomas at Ateneo.

Show comments