MANILA, Philippines — Isinara ng guest team na EST Cola ang kanilang kampanya sa preliminary round ng 2024 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference sa isang five-set thriller.
Tinakasan ng Thailand team ang Farm Fresh, 22-25, 25-17, 19-25, 25-20, 17-15, para sa kanilang unang panalo kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Humataw si Warisara Seetaloed ng 33 points mula sa 29 attacks, dalawang service ace at dalawang blocks para sa 1-3 record ng EST Cola na binubuo ng under-18 at under-20 national teams ng Thailand.
Nag-ambag si Natthawan Phatthaison ng 18 markers at may 10 points si Nattharika Wasan.
Ang service ace ni Phatthaisong ang sumelyo sa kanilang panalo.
Nauna na silang minalas sa nagdedepensang Kurashiki Ablaze, Creamline Cool Smashers at Cignal HD Spikers.
Bagsak ang Foxies sa 0-3 marka sa five-team, nine-day tournament kung saan ang top two teams matapos ang preliminaries ang maglalaban sa one-game finals.
Pinamunuan ni Japanese import Asaka Tamaru ang Farm Fresh sa kanyang 20 points mula sa 18 attacks, isang ace at isang block.
May 18 markers si Cykle Tagsip, habang may 14 at 12 points sina Caitlin Viray at Trisha Tubu, ayon sa pagkakasunod.