MANILA, Philippines — Bumanat si Michele Gumabao ng 14 points mula sa 12 attacks, isang block at isang service ace para igiya ang Creamline sa 25-13, 25-12, 25-15 pagsalya sa EST Cola sa 2024 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference kahapon sa Sta. Rosa Sports Complex sa Laguna.
Nagdagdag si Bernadeth Pons ng 10 markers habang may walong puntos si American import Erica Staunton para sa 1-0 record ng Cool Smashers.
Kagagaling lang ng Creamline sa pagwawagi sa nakaraang PVL Reinforced Conference kung saan nila dinaig ang Akari Chargers para sa pang-siyam na korona.
“Siyempre, masaya ako at kahit hindi kami nakapag-training kahapon (Huwebes) maganda pa din ang inilaro namin,” ani coach Sherwin Meneses na nakahugot kay setter Kyle Negrito ng 15 excellent sets.
Ginamit ng Cool Smashers ang kanilang pagiging beterano para ihulog ang EST Cola, binubuo ng under-20 national team ng Thailand, sa ikalawang dikit na kabiguan.
Samanala, tinalo ng Cignal HD ang Farm Fresh, 25-16, 25-10, 25-18.