Asusano hihirit ng medalya sa Paralympics

MANILA, Philippines —  Ibubuhos na ni wheelchair thrower Cendy Asusano ang buong lakas nito upang maging maganda ang debut nito sa Paralympic Games.

Masisilayan sa aksyon si Asusano sa women’s javelin throw F54 event ngayong araw sa La Stade de France sa Paris, France kung saan makakalaban nito ang matitikas na thro­wers mula sa iba’t ibang panig ng mundo.

“Siyempre malaking karangalan na mapili sa Paralympics kaya ibibigay ko po yung aking 100 percent sa labang ito,” ani Asusano.

Magsisimula ang laban sa alas-10:04 ng umaga (alas-4:04 ng hapon sa Maynila).

Aminado si Asusano na kabado ito. Subalit handa itong makipagsabayan para maipakita ang tikas ng isang Pinoy athlete.

“May konti din pong kaba kaya gusto ko maging kundis­yon kaya pagdating ng laban ay maging maganda ang kinalabasan ng performance,” ani Asusano.

Nakasungkit si Asusano ng dalawang ginto sa ASEAN Para Games na ginanap sa Cambodia noong nakaraang taon.

Target ni Asusano na malampasan ang kanyang personal best na 14.63m na nakuha nito sa World Para Cham­pionships sa Kobe, Japan noong Mayo.

Show comments