MANILA, Philippines — Bumisita sa Pilipinas si veteran Japanese coach Munehiro Kugimiya na siyang humubog kay Paris Olympics gymnastics double gold medalist Carlos Yulo.
Nakipagkita si Kugimiya sa ilang opisyales ng Philippine Sports Commission (PSC) at Gymnastics Association of the Philippines (GAP) para sa grassroots development project ng Pilipinas at Japan sa mga Pinoy gymnast.
Binisita ni Kugimiya sina GAP Deputy Secretary-General Rowena Bautista-Eusuya at PSC commissioner Bong Coo sa PSC office sa Rizal Memorial Sports Complex.
Ngunit tila hindi pa ito ang panahon upang magkita sina Kugimiya at Yulo.
Kasalukuyang nasa Paris si Yulo para sa ilang events sa Paris Paralympics kasama ang isang car brand.
“Returning to Paris feels surreal—what a journey it’s been. But this time, it’s more than just about me,” ani Yulo.
Sinariwa ni Yulo ang magagandang karanasan nito sa Paris na tunay na magiging memorable sa kanya dahil ito ang nagbigay sa kanya ng gintong medalya.
“I’m proud of what we’ve accomplished. From that first day in 2023 to the incredible projects we’ve brought to life, our partnership has been about more than just winning... it’s about making a real impact,” ayon pa kay Yulo.
Nauna nang inihayag ni GAP president Cynthia Carrion na inihahanda na ang pagkikita nina Yulo at Kugimiya sa Japan na posibeng maganap sa Nobyembre.
Kasama sa mga events na gagawin ni Yulo doon ang pagbisita sa ilang gymnastics clubs at teams upang makapagbigay ng inspirasyon sa mga nagnanais sundan ang kanyang yapak.