MANILA, Philippines — Itinuturing ni Creamline star Michele Gumabao ang pagkopo sa korona ng 2024 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference bilang pinakazz mahirap.
Wala kasi sa Cool Smashers sina key players Alyssa Valdez, Tots Carlos at Alas Pilipinas members Jia De Guzman at Jema Galanza nang kunin nila ang pang-siyam na kampeonato.
“Mahirap siguro as compared to last season,” ani Gumabao. “Mas mahirap siguro ‘yung kabuuan na pinagdaanan talaga ng team this season kasi ang dami din talagang nawala.”
Inangkin ng Creamline ang PVL Reinforced Conference title matapos walisin ang 25-15, 25-23, 25-17, sa kanilang ‘winner-take-all’ championship game sa harap ng 8,289 fans noong Miyerkules sa Philsports Arena sa Pasig City.
Ito ang ikatlong sunod na korona ng Cool Smashers matapos pagreynahan ang nakaraang 2023 Second All-Filipino at 2024 All-Filipino Conference.
“Napakita namin na Creamline is really teamwork talaga, hindi na ‘yung isang taong gumagalaw. Talaga ‘yung system talaga namin, that’s what I’m really happy naman that ‘yung system namin na-apply namin each and every game and kita naman ‘yung results buong season,” wika ng 32-anyos na si Gumabao.
Umiskor si Gumabao ng 10 points sa paggupo ng Creamline sa Akari habang may triple double na 19 points, 12 excellent digs at 13 excellent receptions si Bernadeth Pons.
Hinirang ang 27-anyos na si Pons bilang tournament Most Valuable Player.