PVL Invitationals isusunod ng Creamline

Nasawata ng dalawang Kurashiki Ablaze defenders ang hataw ni Farm Fresh import Asaka Tamaru.
PVL Photo

MANILA, Philippines — Matapos pagreynahan ang 2024 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference ay target naman ng Creamline ang titulo ng Invitational Conference.

Lalabanan ng Cool Smashers ang EST Cola ng Thailand ngayong alas-2 ng hapon kasunod ang laro ng Cignal HD Spikers at Farm Fresh Foxies sa alas-4 sa Sta. Rosa Sports Complex sa Laguna.

Tinalo ng Creamline ang Akari, 25-15, 25-23, 25-17, sa one game finals ng Reinforced Conference para sa pang-siyam na PVL crown.

Inangkin naman ng Cignal ang third place trophy sa kanilang 20-25, 25-19, 25-18, 25-23 paglusot sa PLDT.

Samantala, dumiretso ang nagdedepensang Kurashiki Ablaze sa pagtatala ng 2-0 record sa PVL Invitationals matapos walisin ang Farm Fresh, 25-13, 25-16, 25-16, kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.

Nagmula ang Kurashiki sa 25-20- 25-18, 23-25, 25-21 paggupo sa EST Cola kamakalawa.

Muling pinamunuan ni Malaysian middle blocker Low Mei Cing ang Ablaze sa kanyang 12 points habang may 10 markers si Saya Taniguchi.

May siyam na puntos si Trisha Tubu para sa Foxies kasunod ang walong marka ni Japanese import Asaka Tamaru.

Show comments