Para sa FIVB 2025 men’s worlds
MANILA, Philippines — Babanderahan ng back-to-back Olympic Games champion France at World No. 1 Poland ang 32-nation field para sa 2025 FIVB Volleyball Men’s World Championship (MWCH).
Sisimulan ng solo host Philippines ang countdown para sa MWCH sa pamamagitan ng friendly matches ng Alas Pilipinas men at women sa dalawang top Japanese clubs sa Philsports Arena sa Pasig City ngayong linggo.
“The ball is served!” wika kahapon ni Philippine National Volleyball Federation (PNVF) president Ramon “Tats” Suzara na nahirang na bagong pangulo ng Asian Volleyball Confederation (AVC) noong Biyernes sa Bangkok, Thailand.
Magiging abala ang Local Organizing Committee (LOC) ng MWCH sa buong linggo sa pagdaraos ng friendlies sa Sabado kung saan haharapin ng Alas Pilipinas Women ang Saga Hisamitsu Springs sa alas-3 ng hapon at sasagupain ng Alas Pilipinas Men ang Osaka Bluteon sa alas-6 ng gabi.
Muling magtutuos ang apat na koponan kinabukasan sa pagtatapos ng friendlies na susundan ng MWCH Draw sa Setyembre 14 sa Solaire Resort Hotel.
“It’s all systems go for the preparations heading to the world championship that will be marked with year-long activities including a Trophy Tour that would bring the MWCH trophy to key cities in the country,” ani Suzara.
Bilang solo host ay seeded na ang Alas Pilipinas Men kasama ang reigning world champion Italy sa world championship na nakatakda sa Setyembre 12 hanggang 28 sa susunod na taon.
Sina Bryan Bagunas, Buds Buddin at Josh Ybanez ang babandera sa mga Pinoy spikers.
Inihayag ng FIVB ang 15 teams na maglalaro sa world championships sa pamamagitan ng idinaos na continental championships noong 2023 habang ang natitirang 15 spot ay nabuo bago magsimula ang one-year countdown ng torneo.
Kabilang dito ang World No. 3 USA, No. 4 Slovenia, No. 11 Canada at No. 12 Cuba mula sa North, Central America at Caribbean confederations.
Nagmula sa South America ang World No. 7 Brazil, No. 9 Argentina at No. 45 Colombia, habang ang World No. 6 Japan, No. 15 Iran at No. 21 Qatar ay galing sa Asia.
Ang World No. 20 Egypt, No. 44 Libya at No. 50 Algeria ay mula sa Africa.
Ang final 15 slots ay nakuha ng mga European teams Germany, Serbia, The Netherlands, Ukraine, Belgium, Türkiye, Czech Republic, Bulgaria, Portugal, Finland at Romania.
Swak din ang Asian powerhouse China (No. 25) kasama ang Korea (No. 28), African squad Tunisia (No. 24) at South America team Chile (No. 27).