Pinoy bumaril ng 23 ginto sa Bali

MANILA, Philippines — Humakot ang Pinoy shooters ng 23 gintong medalya sa 2024 AustralAsia Handgun/PCC (pistol caliber carbine) practical shooting competition na ginanap sa Bali, Indonesia.

Kumana ang Pinoy bets ng 13 ginto, siyam na pilak at 13 tansong medalya sa individual handgun events habang may 10 ginto rin ito sa team events kasama pa ang dalawang pilak at dalawang tanso.

Nanguna sa individual handgun events si Rolly Nathaniel Tecson na naghari sa Standard Division habang namayagpag naman si Edcel Gino sa Production Optics Division.

Wagi rin ng ginto ang Pinoy squad sa team handgun events kabilang na ang pamamayagpag sa Standard, Classic, Classic Senior, Open Junior, Production Senior at Production Optics Divisions.

Nakapilak din ang Pinoy sa Production Optics Lady at Open Senior, at sa Open Lady Divisions at tanso naman sa Open, Open Super Senior, at Revolver Divisions.

Sa individual PCC events, wagi ng walong ginto, anim na pilak at anim na tanso ang tropa habang sa team events may limang ginto at isang tanso na nakuha ang Pinoy shooters.

Ang torneo ay bahagi ng paghahanda ng Pinoy shooters para sa World Shoot na idaraos naman sa South Africa.

Show comments