PLDT at Akari mag-aagawan din ng tiket
MANILA, Philippines — Hangad ng Creamline na makapasok sa championship round para sa tsansang makamit ang pang-siyam na korona.
At gagawin nila ito nang wala sina Alyssa Valdez, Tots Carlos at Jema Galanza.
Lalabanan ng Cool Smashers ang Cignal HD Spikers ngayong alas-4:30 ng hapon sa knockout semifinal match ng 2024 Premier Volleyball League Reinforced Conference sa MOA Arena sa Pasay City.
“It’s about having the focus of one game at a time, one day at a time, and just making sure that we’re preparing enough because we know we’re gonna have a tough game,” sabi ni Creamline import Erica Staunton sa pagsagupa nila sa Cignal.
May injury sina Valdez at Carlos, habang kasama si Galanza sa training ng Alas Pilipinas.
“Kahit medyo maraming nawala sa amin, talagang nandiyan si Erica para mag-sub sa kanila so very good sa amin si Erica,” wika ni coach Sherwin Meneses sa kanilang American reinforcement.
Bukod kay Staunton, huhugutan din ng lakas ng Cool Smashers sina Bernadeth Pons, Michele Gumabao, Pangs Panaga, Bea de Leon at ace setter Kyle Negrito.
Isasalang ng HD Spikers si Venezuelan reinforcement MJ Perez katuwang sina Ces Molina, Riri Meneses, Roselyn Doria, Chin Basas, Jackie Acuña at Gel Cayuna.
Sa alas-2:30 ng hapon magtutuos ang Akari at PLDT sa isa pang knockout semis duel.
Muling aasahan ng Chargers sina American import Oly Okaro, Ivy Lacsina, Grethcel Soltones, Ced Domingo, Michelle Cobb at Kamille Cal.
Itatapat ng High Speed Hitters sina Russian import Elena Samoilenko, Fiola Ceballos, Mika Reyes, Erika Santos, Majoy Baron, Jovie Prado at Kim Fajardo.
Ang dalawang tropang mananalo sa semis ang mag-aagawan para sa PVL crown sa isang ‘winner-take-all’ championship game bukas sa Smart Araneta Coliseum.