Converge giba sa 51 pts ni Tolentino
MANILA, Philippines — Halimaw na laro ang ginawa ni Arvin Tolentino para igiya ang NorthPort sa 135-109 paggupo sa Converge sa PBA Season 49 Governors’ Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Bumanat si Tolentino ng bagong career-high na 51 points tampok ang 16-of-16 shooting sa free throw line para sa dalawang sunod na panalo ng Batang Pier sa tatlong laro at pinigilan ang asam na back-to-back wins ng FiberXers para sa 2-2 marka.
“Pag-start pa lang ng game no letup na. I felt na maganda iyong itinatakbo ng team, especially sa transition at sa defense,” ani Tolentino. “Siguro nasuwertehan lang na palagi sa akin iyong bola at nashu-shoot ko.”
Nag-ambag si Joshua Munzon ng 19 markers habang nalimitahan si Australian import Venky Jois sa anim na puntos.
Binuksan ng NorthPort ang laro sa 13-3 hanggang iwanan ang Converge sa 57-33 bago ang halftime.
Ang basket ni Will Navarro ang nagposte sa 29-point lead, 98-69, ng Batang Pier sa huling 2:01 minuto ng third quarter patungo sa 125-104 pagbaon sa FiberXers sa 2:02 minuto ng final canto.
Pinamunuan ni import Scotty Hopson ang Converge sa kanyang 24 points at may 19 at tig-16 markers sina Alec Stockton, Justin Arana at Schonny Winston, ayon sa pagkakasunod.
Samantala, puntirya ng Rain or Shine (3-0) na maitayo ang 4-0 baraha sa pagsagupa sa Phoenix (0-2) ngayong alas-5 ng hapon kasunod ang banatan ng Barangay Ginebra (1-1) at Blackwater (0-3) sa alas-7:30 ng gabi.
Umiskor ang E-Painters ng 124-105 panalo sa NLEX Road Warriors (2-1)habang ipaparada ng Fuel Masters si bagong import Le’ Bryan Nash kapalit ni Jay McKinnis.
- Latest