Team Philippines kasado na sa Paralympics

Agustina Bantiloc
PSC

MANILA, Philippines — Umpisa na ng bakba-kan sa 2024 Paris Paralympics tampok ang anim na Pinoy para athletes na magtatangkang sumungkit ng kauna-unahang gintong medalya ng Pilipinas sa quadrennial meet.

Unang mapapalaban si Agustina Bantiloc na masisilayan sa aksyon sa para archery women’s individual compound.

Sasalang si Bantiloc sa alas-7 ng gabi (oras sa Maynila) kung saan makakalaban nito ang 27 iba pang atleta sa qualifying round na idaraos sa Les Invalides Arena.

Target ni Bantiloc na makapasok sa medal round na idaraos sa Set­yembre 1.

Kasalukuyang nasa ika-24 puwesto si Bantiloc sa word ranking ng para archery women’s individual compound.

Kaya naman may tsan­sa itong makahirit ng medalya sa kabila ng presensiya ng malalakas na kalahok mula sa iba’t ibang panig ng mundo.

Galing si Bantiloc sa bronze medal finish sa Compound Open Mixed Category Para Archer Olympic Qualifiers na ginanap sa Thailand noong nakaraang taon.

Hahataw naman si Allain Ganapin sa taekwondo competition sa Agosto 31 sa Grand Palais.

Unang makakalaban ni Ganapin si Hadi Hassanzada ng Refugee Paralympic Team sa men’s K44 -80kg round of 32 match na gaganapin sa alas-4 ng hapon.

Kasama rin sa delegasyon si Asian champion Ernie Gawilan ng swimming gayundin sina Cendy Asusano (women’s javelin throw F54), Jerrold Mang­liwan (men’s wheelchair race T52) at Angel Otom (women’s swimming S5).

Show comments