PLDT sasagupa sa Akari sa semis

Nangibabaw si Majoy Baron ng PLDT laban kay Pauline Gaston ng Chery Tiggo.
PVL photo

MANILA, Philippines — Ang PLDT ang sasagupa sa Akari sa knockout semifinals ng 2024 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference.

Ito ay matapos lusutan ng High Speed Hitters ang Chery Tiggo Crossovers, 25-23, 25-27, 15-25, 25-18, 15-9, sa kanilang quarterfinals showdown kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.

“Of course, I’m happy. Today all girls show best game,” ani Russian import Lena Samoilenko na nagpasabog ng 37 points mula sa 32 attacks, tatlong blocks at dalawang service aces para sa PLDT.

Nag-ambag si Fiola Ceballos ng 12 points habang may siyam na marka si Majoy Baron.

Haharapin ng High Speed Hitters ang Chargers sa isa pang knockout semis bukas sa Philsports Arena sa Pasig City.

Talsik ang Crossovers na nakahugot kay American reinforcement Khat Bell ng 40 markers tampok ang 39 hits.

“Trinabalo talaga namin at iyong gigil na gusto talaga naming manalo, tsaka of course, iyong tiwala namin sa isa’t isa,” sabi ni PLDT veteran setter Kaf Fajardo na naglista ng 23 excellent sets.

Bumalikwas ang Chery Tiggo mula sa first set loss para kunin ang second at third frames at ilista ang 2-1 bentahe sa laro.

Binanderahan ni Sa­moilenko ang pagbangon ng High Speed Hitters sa fourth set, 25-18, patungo sa pagtatala ng 10-8 bentahe sa fifth frame.

Bumanat ng tatlong dikit na puntos ang 6-foot-4 outside spiker para sa 13-9 pag-iwan sa Crossovers at ang block ni Baron kay Bell ang naglapit sa kanila sa match point, 14-9.

Sinelyuhan ni Samoi­lenko ang panalo ng PLDT matapos ang blangka kay Mylene Paat ng Chery Tiggo.

Show comments