MANILA, Philippines — Apat na tropa ang maglalaban para sa dalawang semifinals berth sa 2024 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan.
Lalabanan ng No. 1 Akari ang No. 8 Farm Fresh sa alas-6 ng gabi matapos ang upakan ng No. 2 Cignal HD at No. 7 Capital1 Solar Energy sa alas-4 ng hapon sa knockout quarterfinals.
Kinumpleto ng Chargers ang eight-game sweep sa elimination, habang napasakamay ng Foxies ang huling quarterfinal spot matapos sibaklin ng PLDT High Speed Hitters ang Choco Mucho Flying Titans via four-setter noong Huwebes.
Winalis ng Akari ang Farm Fresh, 25-19, 25-22, 25-19, sa una nilang pagtutuos noong Agosto 20.
Ang nasabing panalo ng Chargers sa Foxies ang kanilang pang-walong sunod na ratsada.
“Para sa akin, parang itong 8-0 part lang talaga siya ng process eh,” ani Akari outside spiker Grethcel Soltones. “Hindi siya ‘yung talaga ‘yun na ‘yun. Iyon nga, sabi ko sa mga teammates ko in every huddle na itong ginagawa natin, ito iyong magdadala sa atin kung saan natin gusto pumunta pero kahit nag 8-0 tayo ngayon, wala pa ring kasiguraduhan.”
Muling makakatuwang ni Soltones sina American import Oly Okaru, Ivy Lacsina, Ced Domingo at Michelle Cobb.
Itatapat ng Farm Fresh sina Amerian reinforcement Yeny Murillo, Trisha Tubu, Caitlyn Viray, Rizza Cruz at Aprylle Tagsip.
Samantala, pipilitin ng Cignal na madalawahan ang Capital1 na kanilang tinalo, 25-20, 25-17, 23-25, 25-13, noong Hulyo 27.
“Ready naman ang team (for the quarters) pero kailangan pa ding mag-ingat, magpakondisyon at mag-focus,” wika ni HD Spikers coach Shaq delos Santos na muling aasa kina Venezuelan import MJ Perez, Ces Molina, Gel Cayuna at Jacquei Acuña.
Sina Russian import Marina Tushova, Jorelle Singh, Des Clemente, Leila Cruz at Iris Tolenada ang sasandalan ng Solar Spikers.