MANILA, Philippines — Gumagawa rin ng pangalan si Behrouz Elite Swimming Team (BEST) tanker Mikhael Jasper ‘Mikee’ Mojdeh matapos kubrahin ang Most Outstanding Swimmer (MOS) award sa 2024 Asian Open Schools Invitational Age Group Swimming Championships na ginanap sa Bangkok, Thailand.
Humakot ang Immaculate Heart of Mary College-Parañaque standout na si Mojdeh ng kabuuang 385 puntos mula sa pitong ginto, isang pilak at isang tansong medalya para makuha ang MOS trophy sa boys’ 9-year division.
“It is nice to be back in Bangkok again. I was here last February, for the Long Course champs and I really enjoyed it. The swimmers are fast and I like swimming with them because it makes me improve my time,” ani Mojdeh.
Magarbong sinimulan ni Mojdeh ang kampanya nito matapos pagharian ang 200m Individual Medley sa bilis na tatlong minuto at 4.74 segundo.
Sinundan ito ni Mojdeh ng dalawang gintong medalya sa 100m freestyle tangan ang 1:14.70 at 50m butterfly bitbit ang 38.74 segundo.
Muling rumatsada sa huling araw ng kumpetisyon si Mojdeh nang sunud-sunod nitong kubrahin ang ginto sa 50m backstroke (38.99), 50m breaststroke (44.71), 100m butterfly (1:27.23) at 100m backstroke (1:23.25).
Maliban sa ginto, nakapilak din si Mojdeh sa 50m freestyle (34.60) habang may tanso rin ito sa 200m freestyle (2:43.94).
Maliban kay Mojdeh, nagdagdag ng dalawang tansong medalya para sa BEST squad si Kaidyn Waskiewicz sa girls’ 10-11 200m backstroke (3:05.20) at 100m backstroke (1:25.61).