MANILA, Philippines — Tiyak nang kasama ang pangalan ni Chris Banchero sa PBA history.
Isinalpak ni Banchero ang kauna-unahang four-point shot sa PBA sa 10:26 minuto sa second quarter na nagbigay sa Meralco ng 20-17 abante patungo sa 99-94 panalo sa Magnolia sa pagbubukas ng PBA 49th season Governors’ Cup noong Linggo sa Smart Araneta Coliseum.
Ito ang unang pagkakataon na naglagay ang liga ng four-point line na dalawang beses ginamit sa huling dalawang edisyon ng PBA All-Star Game.
“It’s always good to be in the record books. Happy I got to make it,” ani ng 35-anyos na Fil-Italian guard.
Nagsalpak ang Bolts, ang kampeon sa nakaraang PBA Philippine Cup, ng 2-for-5 shooting sa nasabing four-point range kasama ang isa ni Jolo Mendoza.
“You don’t want to force it from there because it’s a little bit further. I kind of caught it in rhythm and I kind of just let it go,” sabi ng 6-foot-1 na si Banchero.
Hindi lamang si Banchero ang kayang tumira sa four-point line kundi maging si Bong Quinto.
“For us, kahit dating conference, CB (Banchero) can take a shot from there. Bong Quinto can make a shot from there. It’s a shot that they can make,” wika ni coach Luigi Trillo.
Inaprubahan ng PBA Board of Governors ang paglalagay ng four-point line simula sa PBA Governors’ Cup sa kanilang planning session na idinaos sa Osaka, Japan.