RHJ, Nambatac ipaparada ng TNT VS NorthPort

MANILA, Philippines — Bukod kay balik-import Rondae Hollis-Jefferson ay ipaparada rin ng TNT Tropang Giga si Rey Nambatac sa kanilang kampan­ya sa PBA Season 49 Governors’ Cup.

Kumpiyansa si coach Chot Reyes sa magiging kontribusyon ni Nambatac sa Tropang Giga.

“We like his demeanor, his character and his work ethic. We hope we could see more of that from Rey in the coming season,” wika ni Reyes sa dating Letran Knights star.

Nahugot ng TNT si Nambatac mula sa Blackwater kapalit nina Kib Montalbo at Jewel Ponferada at kanilang 53rd season second round pick.

Sasagupain ng Tropang Giga ang NorthPort Batang Pier ngayong alas-7:30 ng gabi matapos ang bakbakan ng Rain or Shine Elasto Painters at Blackwater Bossing sa alas-5 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.

Hangad ng apat na koponan na makasama sa win column ang Meralco na tinalo ang Magnolia, 99-94, tampok ang pagsalpak ni Chris Banchero ng makasaysayang unang four-point shot sa liga noong Linggo.

Itatampok ng NorthPort sina import Taylor Johns at dating Magnolia guard Jio Jalalon.

Sa unang laro, ipapakita ni No. 2 overall pick Sedrick Barefield ang kanyang talento sa paggiya sa Blackwater kontra sa Rain or Shine na susubukan sina rookies Caelan Tiongson at Felix Lemetti.

Show comments