Matapos tanggapin ang ika-8 MVP award
MANILA, Philippines — Pormal nang itinaas ni June Mar Fajardo ng San Miguel ang kanyang pang-walong Most Valuable Player trophy sa PBA 48th Season Leo Awards kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Ngunit gusto pa niyang makuha ang pang-siyam sa PBA 49th Season.
“Sa mga kapwa players ko, maraming salamat, Hindi ko makukuha ito kung hindi dahil sa inyo, at siyempre sa San Miguel management, maraming salamat sa inyo. Sana next year ulit,” ani Fajardo.
Tinalo ng 10-time PBA champion center para sa PBA MVP award sina San Miguel teammate CJ Perez at dating Ginebra big man Christian Standhardinger ng Terrafirma.
Kasama ang 6-foot-10 na si Fajardo sa Mythical Five na binubuo nina Perez, Standhardinger, Chris Newsome ng Meralco at Arvin Tolentino ng NorthPort.
Nasa All Defensive Team din si Fajardo kasama sina Newsome at Cliff Hodge ng Meralco, Kemark Carino ng Terrafirma at Joshua Munzon ng NorthPort.
Hinirang naman si dating Terrafirma guard Stephen Holt ng Ginebra bilang PBA Rookie of the Year.
Si Holt ay kasama sa Mythical Team 2 na kinabibilangan nina Hodge, Calvin Oftana ng TNT Tropang Giga, Jason Perkins ng Phoenix at Juami Tiongson ng Terrafirma.
Kinilala si Jhonard Clarito ng Rain or Shine bilang Most Improved Player habang ibinigay kay Paul Zamar ng NorthPort ang Samboy Lim Sportsmanship Award.
Samantala, muling ipaparada ng nagdedepensang TNT Tropang Giga si PBA Best Import Rondae Hollis-Jefferson sa pagsagupa sa NorthPort bukas sa Big Dome.
Itatapat naman ng NorthPort kay RHJ si Taylor Johns.