MANILA, Philippines — Bagsak ang Alas Pilipinas sa ikalawang sunod na kamalasan matapos ang 26-28, 14-25, 16-25 kabiguan sa Thailand sa Leg 1 ng 2024 Southeast Asian Men’s V.League kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.
Tinapos ng mga Pinoy spikers ang Leg 1 sa 1-2 record para makuntento sa bronze medal sa four-nation, three-day meet.
Nauna nang itinakas ng Alas Pilipinas ang 25-21, 25-22, 18-25, 25-23 panalo sa Vietnam sa pagsisimula ng torneo noong Biyernes bago natalo sa Indonesia noong Sabado kung saan nagkaroon si Bryan Bagunas ng left leg injury.
Nakipagsabayan ang tropa ni Italian coach Angiolino Frigoni sa mga Thais matapos ang dikitang 26-28 pagkatalo sa first set.
Ngunit sa sumunod na dalawang sets ay ipinakita ng Thailand ang kanilang malawak na ekperyensa para tuluyan nang walisin ang Alas Pilipinas.
Kinumpleto naman ng mga Thais ang 3-0 sweep para angkinin ang gold medal, habang inangkin ng mga Indonesians ang silver sa kanilang 2-1 baraha at walang naipanalo ang mga Vietnamese sa tatlong laro.
Sa unang laro, pinatumba ng Indonesia ang Vietnam, 21-25, 25-21, 25-19, 22-25, 15-12.
Pumalo si Boy Arnez Arabi ng 22 points mula sa 19 hits, dalawang aces at isang block para sa come-from-behind win ng reigning champions.
Nagdagdag si Fahri Septian Putrama ng 21 markers sa likod ng 19 attacks, samantalang may 11 points si Hendra Kurniawan para sa mga Indonesians.
Pinamunuan ni Tran Duy Tuyen ang mga Vietnamese sa kanyang 22 points at may 19 at 13 markers sina Pham Van Hiep at Nguyen Thanh Hai, ayon sa pagkakasunod.
Idaraos ang Leg 2 ng SEA V.League sa Indonesia sa susunod na linggo.