MANILA, Philippines — Mula sa isang maliit na bahay sa Barangay 711 sa Leveriza, Manila hanggang sa isang three-bedroom, fully-furnished unit sa McKinley Hills sa Taguig City.
Ito na ang magiging tahanan ni 2024 Paris Olympic Games double-gold medalist Carlos Edriel Yulo simula ngayon.
Ibinahagi sa social media ng Megaworld Corporation ang ilang litrato ng nasabing ibinigay nilang condo unit kay Yulo na nagkakahalaga ng P32 milyon.
“The 100-square meter condo unit is fully-furnished and designed with home appliances such as refrigerator, microwave oven, four-burner cooktop with oven, washing and drying machines, four smart televisions, and even a game console, which Carlos can enjoy even with his friends and family during free time. Two balconies that can be accessed both in the living room and the master’s bedroom offer views of the township and the rest of the property,” sabi ng real estate giant.
Tampok sa naturang condo unit ng 24-anyos na gymnast ang isang 2024 Paris Olympics gold medal-inspired coffee table.
“Among the standout pieces that adorn the living room is a custom-made nesting coffee table that bears a replica of the gold medal at the Paris Olympic Games. The unit also comes with its own maid’s room with toilet and bath, and its own parking slot,” dagdag pa ng Megaworld Corporation na bibigyan din si Yulo ng bonus na P3 milyon.
Sa courtesy call kay Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa Malacañang noong Martes ng gabi ay binigyan si Yulo ng P20 million bonus.
Bukod pa ito sa tatanggapin niyang P20 milyon base sa Republic Act 10699 o ang National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act kung saan ang isang Olympic gold ay may katumbas na P10 milyong insentibo.
Inaasahang aabot sa P100 milyon ang makukuhang incentives at bonus ni Yulo mula sa kanyang hinablot na makasaysayang dalawang Olympic gold medals ng Pilipinas.
May pangako ring P6 milyon ang House of Representatives bukod sa P3 milyon ng Chooks To Go at isang house and lot sa tagaytay City mula kay Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham ‘Bambol’ Tolentino.
Marami pang biyayang natanggap at matatanggap ang Pinoy gymnast dahil sa kanyang pagta-tumbling sa edad na pitong taon sa kalsada ng Barangay 711 sa Leveriza hanggang sa pagkopo sa dalawang ginto sa floor exercise at vault sa Bercy Arena sa 2024 Paris Olympics.