MANILA, Philippines — Pinigilan ng nagdedepensang Petro Gazz ang pagmartsa ng Creamline sa quarterfinals matapos itakas ang 25-23, 25-19, 20-25, 23-25, 15-12 panalo sa crossover second round ng 2024 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Ang back-to-back wins ng Gazz Angels ang nag-angat sa kanilang record sa 3-3 at tinapos ang three-game winning streak ng Cool Smashers para sa 4-2 baraha.
Naghulog si Cuban import Wilma Salas ng 34 points mula sa 33 attacks at isang block bukod sa 17 excellent digs para pamunuan ang Petro Gazz at may 24 markers si Fil-Am Brooke Van Sickle.
“I’m so happy for winning this game. Creamline is a very good team,” ani Salas. “If your training is good, you will have a good play.”
Pinamunuan ni American import Erica Staunton ang Creamline sa kanyang 30 points.
Rumesbak ang Cool Smashers mula sa 0-2 agwat matapos agawin ang sumunod na dalawang sets para tumabla sa 2-2 patungo sa fifth frame.
Kinuha ng Gazz Angels ang 11-8 bentahe, habang ang tirada ni Salas ang tumapos sa laban.
Sa unang laro, pumalo si Me-An Mendrez ng 18 points mula sa 14 attacks, dalawang blocks at dalawang service aces para sa 25-16, 25-11, 23-25, 19-25, 15-12 panalo ng Choco Mucho kontra sa Chery Tiggo.
Nag-ambag si Dindin Santiago-Manabat ng 17 markers habang may 11 si Maddie Madayag para sa Flying Titans.