Sa kakulangan ng suporta sa paris golf team
MANILA, Philippines — Magsasagawa si Sen. Christopher “Bong” Go ng isang post-evaluation kaugnay sa naging kampanya ng Team Philippines sa katatapos lamang na 2024 Paris Olympic Games.
Ilan sa mga gustong pag-usapan ng chairman ng Senate Committee on Sports ay ang pagsisikap ng gobyerno at iba’t ibang stakeholders sa paghahanda at pagsuporta sa delegasyon sa nasabing quadrennial meet.
Isa pa ay ang pagrereklamo ng golf team ukol sa kawalan ng opisyal na uniporme.
“Kung kinakailangan, bubusisiin natin ito sa komite pagkatapos ng Paris Olympics at magsasagawa tayo ng post-evaluation kung paano maiiwasan ang ganitong kakulangan at paano pa mas mapapabuti ang suporta sa ating mga atleta,” sabi ni Go.
Hangad ng Senador na lalo pang mapabuti ang paghahanda at mapalakas ang suporta para sa mga national athletes na lumalaban hindi lamang sa Olympics, kundi maging sa iba pang international competitions.
Ayon pa kay Go, dapat magkaisa para matuto mula sa mga nakaraang karanasan, punan ang mga kakulangan sa kasalukuyang mga programa sa palakasan at makahanap ng mga oportunidad para sa iba’t ibang stakeholders na makatutulong sa pagpapalakas ng Philippine sports.
“Hindi po natin nais magsisihan. Ang gusto lang natin ay maibigay ang sapat na suporta sa ating mga magigiting na atleta na bitbit ang karangalan ng ating bansa. Once in a lifetime lang po ang mga oportunidad na ito na makasali sa Olympics o iba pang international competitions. Ibigay na po natin ang buong suporta na nararapat!,” ani Go.
Nag-viral sa social media ang ipinost ni golfer Dottie Ardina kung saan pinipilit nilang idikit ni teammate Bianca Pagdanganan ang Philippine flag patch sa kanilang generic golf outfit gamit ang double sided tape dahil wala silang angkop na uniporme.
Idinagdag ni Go na ramdam niya ang sama ng loob na inilabas ng dalawang golfers lalo’t isinulong niya ang dagdag na P30 milyong pondo para lamang sa paghahanda ng bansa sa 2024 Olympics.