MANILA, Philippines — Tuluyan nang inangkin ng Team USA ang kanilang pang-limang sunod na gold medal sa Olympic Games matapos pabagsakin ang host France, 98-87, sa finals ng 2024 Paris Olympics dito sa Bercy Arena.
Ito ang ikalawang dikit na panalo ng mga Americans sa mga Frenchmen para sa Olympic gold matapos noong 2021 Tokyo Games.
Umiskor si Stephen Curry ng 24 points tampok ang walong tres habang humakot si LeBron James ng 14 points, 10 assists, 6 rebounds, 2 steals at block para sa kabuuang ika-17 Olympic gold ng Team USA.
Nagdagdag sina Kevin Durant at Devin Booker ng tig-15 points para sa tropa ni coach Steve Kerr.
Nakamit ni Durant ang kanyang US men’s record na ikaapat na Olympic gold at may tatlo ang 39-anyos na si James.
Pinamunuan ni NBA Rookie of the Year Victor Wembanyama ang France sa kanyang 26 points.
Samantala, inangkin ng Serbia ang bronze matapos ang 93-83 paggupo sa FIBA World Cup champions Germany.